Matagal-tagal ko ding pinag-isipan ng mabuti ang mga salitang maglalarawan sa iyo. Ngunit tila hindi sapat dahil sa taglay mong kakaibang katangian. Muli kong hinagilap ang mga lumang larawan ng aking kabataan at doon nanumbalik ang mga alaala na parang kahapon lamang.
Tatay, sinabi mo minsan na noong ipinanganak ako ay nagkaroon ako ng konting problema kinailangan obserbahan ng mga doktor ang aking kundisyon at naiwan ako sa ospital ng isang linggo. Wala kayong magawa ni Mommy kung hindi umuwi ng di kasama ang inyong panganay. Sinabi mo na sa loob ng isang linggo araw-araw mo akong binabalikan, sinisilip, at binabantayan. Wala kang ibang dasal kung hindi ang maiuwi ako sa bahay para sabay kami ni Mommy na magpalakas. At sa aking paguwi ay wala kang pagsidlan ng kasiyahan. Siguro’y napuyat ka sa pag-aalaga sa akin. Hanggang ako’y natutong maglakad at tumakbo alam kong naroroon ka, nakamasid, nakabantay.
Ang aking kabataan ay punong-puno ng masasayang kwento. Nariyan yung ipapasyal mo kami ni Jessel sa Luneta tuwing umaga ng sabado para maghabulan, maglaro, makasagap ng sariwang hangin at syempre uminom ng Magnolia Chocolait na nasa bote na paboritong-paborito ko. Sa pagsapit ng pasko dadalhin nyo naman kami ni Mommy sa COD, Cubao para manuod ng mga mannequin na gumagalaw. Bubuhatin mo ako para kahit sa maraming tao ay makita ko ang palabas. Didiretso tayo sa Fiesta Carnival kung saan pasasakayin mo kami sa mga ituturo naming rides. Hanggang ngayon nagbibigay pa rin ng ngiti kapag binabalikan ko ang araw na yun.
Sa aming paglaki, dinagdagan mo pa ng masasayang alaala ang aming buhay. Nariyan yung pakakantahin mo ako habang nagpapiano ka ganadong-ganado ka na para bang isa akong magaling na singer. At tapos magpapatugtog ka ng Swing papatayin mo ang ilaw at bubuksan na lamang ang lamp para magmukhang disco ang maliit na sala natin at sasayaw kayo ni Mommy ipapaikot-ikot mo sya. Kahit laging wala sa tiempo si Mommy sa kanyang mga galaw ay masaya kang nakikipagsayaw sa kanya na para bang ang galing-galing n’ya! Ang saya-saya nun Tatay doon ako nagsimulang mangarap na sana makatagpo din ako ng tulad mo isang mabait na asawa at mapagmahal na ama. Pero gaya nga ng sinabi ni Mommy noong nabubuhay pa s’ya nag-iisa ka lang na kahit gustuhin nya na makatagpo kami ng eksaktong kagaya mo eh magiging imposible. Mabait naman ang Diyos at biniyayaan ako ng asawang kasing bait mo! Mas gwapo nga lang sa'yo hahaha!
Ang ating mga movie marathons ang lagi kong namimiss. Ang iyong mga jokes na kahit corny ay tawang-tawa kaming magkakapatid. Ang iyong walang sawang pagsasabi na the best ang niluto ko kahit ako mismo ay hindi nasasarapan. At ang iyong pag-aalaga sa aming tatlo, lahat yan Tay ay hinahanap-hanap ko ngayong malayo ako sa’yo. Sinabi mo nga wag akong malungkot dahil maayos ang kalagayan n’yo at parte talaga ng buhay na kailangan magkahiwalay tayo lalo na ngayong may asawa na ako. Pero TATAY maswerte man ako sa aking napakabait at mapagmahal na asawa may pagkakataon pa rin na sana pwedeng bumalik sa aking kabataan yung kumpleto tayo si Mommy, ikaw, ako, si Jessel, at si Loren.
Tatay, paulit-ulit ang pasasalamat ko sa Diyos na ikaw ang aking naging ama at hindi sapat ang salitang salamat sa lahat ng kaligayahang binigay mo sa aking buhay. Sa iyong kaarawan ikaw pa rin ang nag-iisang SUPER TATAY! Mahal na mahal kita!
Maraming salamat anak...from Super Tatay ay magiging Super Lolo rin balang araw.
ReplyDeleteLahat kayo ay 101% kong minahal at inalagaan ng buong ligaya. Talagang ang dami nating memories. From...Sampaloc...to Luneta...to Manila Zoo...to Cubao...at kung saan-saan pa tayong laging nasa pasyalan noong mga bata pa kayo.
Oo may kantahan...at yun nga nami-miss ko ang mga masasayang sayawan natin...kasama si Mommy.
Maaaring di na tayo makumpleto sa ngayon pero binigyan tayo ng pagkakataon ng Diyos na makapiling at mahalin ang katulad ni Mommy at ang lahat naman na panahon na nakasama siya ay mananatili lahat sa ating mga puso at alaala. Isang napakasayang kahapon sa piling ni Mommy.
Ako man ay nagpapasalamat sa iyo dahil naging mabuti kang anak at ate sa iyong mga kapatid. At ngayon naman ay maligaya ako dahil nagagampanan mo ang pagiging mabuting asawa at anak din sa bago mong pamilya.
Palagian tayong magpasalamat sa Diyos sapagkat napakarami nating biyayang natatanggap at patuloy na nanampalataya at nagtitiwala na ipagkakaloob pa ang mga magagandang pangarap pa natin sa ating buhay.
Maraming salamat & God Bless!
Tatay,
ReplyDeleteI can't help it not to cry whenever I read your letters I'm almost 30 years old but you still love me like a little baby who needs your love and care!
Words will never be enough to describe how grateful I am for the great life you gave me. I love you so much Popsie, Mommy always drop by my dreams to see me!
God is great all the time!