Thursday, 13 October 2011

Hanggang sa Muli


Sa gitna ng talahiban ko sya huling natanaw. May kalakasan ang hangin nililipad ang kanyang puting bestida kinakawayan n’ya ako may kalayuan ang kanyang kinatatayuan bagkus malinaw kong narinig ang kanyang sinasabi,

“Anak, hindi pa ngayon matagal pa bago tayo magkasama muli.”

Minulat ko ang aking mga mata at doon ko napagtanto na isa lamang itong panaginip. Nanumbalik ang lungkot sa aking puso at realidad na hindi na babalik si Nanay. 

Ang mga masasayang alaala ay mananatili na lamang sa aking puso’t isipan. Tandang-tanda ko pa kung paano mo ako pagtyagaan turuan sa aking declamation piece noong sumali ako sa grade 2. Pagod na pagod ka mula sa trabaho pero uunahin mo ako bago ka magpahinga. Naririnig ko kung paano mo ako ipagmalaki sa iyong mga katrabaho at kaibigan marahil yun ang nagbigay inspirasyon sa akin na lalong magsikap sa pag-aaral.

Nanay, tumuntong ako ng highschool nagkaroon ng unang pag-ibig. Tutol ka sabi mo dahil gusto mo pa akong ipagdamot at manatiling baby mo pero naging maintindihin ka pinagkatiwalaan mo ako at hinayaan na maranasan magmahal. Ito ang naging gabay ko para ingatan ang tiwala mo at alagaan ang sarili ko.
Sa kolehiyo, hinayaan mo akong pumili ng kursong gusto ko. Nandyan ka laging nakasuporta. May pagkakataong hirap na hirap ako sa isang subject ko sabi ko,

“Magdodrop na lang ako dito hindi ko yata kakayanin kesa bumagsak ako at hindi magiging maganda sa aking transcript.”

Pero wala akong ibang narinig sa’yo kung hindi,

“Anak, kaya mo yan makikita mo papasa ka.”

Buo ang kumpyansa mo kaya kahit nahirapan ako ginawa ko ang lahat ng makakaya ko at tama ka ‘Nay pumasa nga ako. Hindi mataas ang gradong nakuha ko pero tama ka, kaya ko!
Nagtapos ako sa kolehiyo kitang-kita ko sa iyong mga mata ang kagalakan mo. Nagpatahi ka pa ng bagong damit para isuot sa graduation ko. Wala man akong award na nakuha pinalakpakan mo ako sa pagtanggap ko ng aking diploma.

Minsang may masamang tsismis ang nasagap mo tungkol sa akin natakot ako na baka maniwala ka magalit ka sa akin pero kinausap mo ako,

“Anak, alam mo ang tama at mali at alam ko na tama ang pagpapalaki namin sa iyo ng Tatay mo. Wag mo silang pansinin mas kilala mo ang sarili mo.” 

Biglang-bigla nagkasakit ka. Hindi ko maintindihan bakit ikaw pa. Kinuwestyon ko ang Diyos ng paulit-ulit. Nakiusap sa Kanya na huwag ka nyang kunin. Noon ay hindi ko maunawaan puro lamang sakit pero nakita kita kung paano ka lumaban at nagtiwala sa Diyos.

“Anak, hiram lang ang buhay natin sa Kanya lahat ng bagay at tao sa buhay natin ay hiram lang at kahit anong oras pwede Nyang bawiin. Hindi tayo dapat malungkot at masaktan bagkus magpasalamat sa mga oras na pinahiram Nya sa atin.”

Biglang nagkagulo sa kwarto naglabas pasok ang mga doktor at nurse maraming kinabit na aparato sa iyong katawan hindi ko maunawaan ang nangyayari. Nakadilat ang iyong mga pagod na mata marahil nauunawaan mong papalapit na ang iyong paglisan. (toot…toot…toot) Parang isang countdown ang timer na ikinabit sa daliri mo para bilangin ang pintig ng iyong puso. Mula sa toot 86…toot 84…toot 80 toot…hanggang bumaba ng bumaba nakatitig ka sa akin hindi ka na makapagsalita parang may iniintay kang marinig sa aking mga labi. Toot 46…toot 45…hindi ko na nakayanan nasabi ko na ang mga salitang nais mong marinig,

“Sige na magpahinga ka na gaya ng binilin mo ako na ang bahala kay Tatay at sa mga kapatid ko. Kaya ko na wag ka ng mag-alala sige na magpahinga ka na.”

Matapos ko to sabihin lumuha ka habang tinitigan ako marahil buo ang tiwala mo sa aking pangako at lilisan ka na payapa ang loob. Ilang sandali pa ipinikit mo na ang iyong mga mata at ang sunod na lamang narinig ay tooooot…heart beat 0.

Nanay, Mommy, Momsie ilan lamang sa mga tawag ko sa’yo.  Pitong taon na ang nakakaraan ng lumisan ka subali’t ang sakit at ang iniwan mong puwang sa buhay ko at sa buhay ni Tatay at ng mga kapatid ko ay nanatiling kulang na pinipilit lamang punan ng mga masasayang alaala mo.
Malamang tama ka matagal pa bago tayo magkasamang muli pero ganun pa man batid natin na darating ang araw na iyon. Sasalubingin mo ako at yayakapin ng mahigpit.

-October 12, 2011 Singapore
Isinulat ni Joyce Susvilla-Macorol

4 comments:

  1. Talagang matagal ko nang gustong isulat ang mga huling sandali ni Mommy pero di ko magawa...malungkot kasi eh. Pero alam ko na idinalangin natin sa Diyos ang alisin na ang kanyang paghihirap at ipagkaloob ang nararapat sa kanya. Buong kapayapaan para sa ating lahat ang ating nadama kahit sa kabila na di na nga natin siya makikita. Pero sabi mo nga "Hanggang sa Muli". At masaya na siya ngayon...wala nang paghihirap.

    ReplyDelete
  2. And this post made me wonder, kung ilan pa bang mga anak ngayon ang may pagtingin at pag-alala sa kanilang mga ina the way your regard your mother. Gusto kong umasa na marami pang mga anak ang katulad mo. Mabuhay ka.

    Nag-bloghop po ako galing sa bahay ni Lolo Jem.

    Miss N of
    http://nortehanon.com

    ReplyDelete
  3. Tatay Jessie,

    Malungkot ang pagkawala ni Mommy pero the hope that we will still see her again lingers inside our hearts... I saw how much you loved her and I know she brought that love with her in paradise!

    Love you and I miss you Tatay!

    ReplyDelete
  4. Miss N,

    Salamat po sa inyong comment at salamat po sa inyong pagbisita sa aking blog... My parents are simply the best gifts I ever got from God and they deserve all the love that we, as their children, can give them.

    I visited your site and I can't stop reading!

    Again, SALAMAT po sa inyong pagbisita!

    ReplyDelete